200 biktima ng Martial Law, nag-noise barrage sa Senado

Henry Ateulan, Radyo Patrol 44 | DZMM Radyo Patrol 630

Nagsagawa ng noise barrage sa harap ng Senado ang may 200 biktima ng Martial Law bilang pagbatikos sa anila’y ill-gotten wealth ng pamilya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Pinangunahan ng Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) ang aktibidad.

Isinisigaw ng grupo, ang anila’y kawalan ng aksyon ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino para i-monitor ang walang habas na withdrawal mula sa account ni dating first lady Imelda Marcos sa Philippine Veterans Bank.

Binabanggit pa nila na mula sa P36.5 milyon na ill-gotten wealth umano ng mga Marcos, umaabot na lang ito sa P1 milyon na naka-deposito.

Umaapela rin ang grupo sa mga senador, partikular na sa Senate Committee on Human Rights na isabatas na ang Indemnification Bill o panukalang magbibigay ng karapatan at kabayaran sa pinsalang idinulot ng batas militar.

Ang aktibidad ay isinabay sa ika-40 taon ng pagkakatatag ng Martial Law na idineklara ni dating Pangulong Marcos noong Setyembre 21, 1972.

Advertisements

Comments are closed.