Mga biktima ng Martial Law, dismayado na

News Release


Marcos Victims Compensation Bill, di pa rin naipapasa

Mga biktima ng Martial Law, dismayado na

“Natutulog pa rin ba ang hustisya sa Senado para sa mga biktima ng Martial Law?

Ito ang dismayadong pahayag ng grupong SELDA (Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto) sa usad-pagong na pagpapasa ng Senado sa batas para sa hustisya at kompensasyon sa mga biktima ng Martial Law.

“Na-impeached na si Chief Justice Corona, ang ibang biktima ng Martial law nag-“rest in peace” na, hindi pa rin naipapasa ang panukalang batas,” pahayag ni Trinidad Herrera, beterano ng Martial Law at board member ng SELDA.  “Bakit hindi hinarap ang Marcos Victims Compensation Bill? ” tanong niya.

Ang Senate Bill 2615, o mas kilala sa tawag na Marcos Victims Compensation Bill, ay naglalayong kilanlin at bigyan ng kompensasyon ang may 9,539 biktima ng Martial Law na nagsampa ng makasaysayang class suit sa Hawaii laban sa dating pangulong Marcos at pati na iba pang biktima ngunit hindi kasama sa kaso.

Nitong nakaraan ay dinagsa ng mga text messages ng mga miyembro ng SELDA si Senator Chiz Escudero sa kanyang “Say Chiz” hotline 2976. Ipinawagan nilang ipasa na sa Senado ang Indemnification Bill. Sumagot naman ang tanggapan ng ni Senator Escudero at sinabing kinukumpleto na lang ang pirma ng mga senador para maisalang ang panukalang batas.

“Sa kasalukuyan, ang mga pirma para sa pag-apruba ng committee report ng Marcos Compensation Bill sa First reading ay kinukumpleto na upang maisalang ang naturang bill sa second at third reading sa ilalim ng Committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Sen. Francis “Chiz” Escudero. Pagkatapos ng masusing pag-aaral na ginagawa ng committee at sa tulong ng lahat ng senador ay maaari na itong maipasa sa Senado,” ayon sa text message na pinadala mula sa “Say Chiz” hotline 2976.

Gayunpaman, ayon sa SELDA, dapat naipasa na rin agad ang batas kung itinuturing itong prayoridad. Lalo pa’t ipinagmamalaki ng Senado na may 71 bills silang naipasa sa panahon ng impeachment. Kabilang dito ang inamyendahang Anti-Money Laundering Act at ang napipintong pagraratipika sa Visiting Forces Agreement sa bansang Australia. “Klaro ang mga prayoridad ng Presidente at ng Senado at hindi kasama dyan ang pagpapasa ng Indemnification bill ngayon.” Ani Herrera.

Naiinis na ang mga biktima ng Martial Law sa napakabagal na usad ng panukalang batas. Ayaw nilang maudlot nanaman ang pagkakataong maisabatas ito bago abutin ng susunod na eleksyon. “Anu pa ba ang hinihintay ng ating Presidente at mga Senador? Kung ang mga panukalang batas pwede buhayin para ipasa ng paulit-ulit, kami ay hindi na. Kaya habang naririto kami, patuloy kaming kikilos at lalaban para makamit ang hustisya.” paliwanag ni Herrera.

Sa kasalukuyan, patuloy na igigiit ng SELDA at hihiyakatin ang publiko para ipresyur ang gobyernong Aquino na ipasa na ang panukalang batas.

“Ang patuloy na pagtatanggi sa karapatan ng mga biktima ng Martial law ng gobyernong Aquino ay pagtanggi rin sa karapatan ng sambayanang Pilipino.” Panghuli ni Herrera. ###

Reference: Trinidad Herrera, SELDA Board Member
Advertisements

Comments are closed.